Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda sa gobyerno na bigyan ng insentibo ang mga consumers na tutugon sa panawagan na magtipid sa paggamit ng tubig sa gitna na rin ng nararanasang matinding init na dulot ng El Niño phenomenon.
Ang rekomendasyon ng senadora ay kasunod na rin ng kanyang apela sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig bunsod na rin ng pagbaba ng water level sa Angat Dam.
Ayon kay Legarda, mahalagang makahanap ng pamamaraan ang pamahalaan na mabigyan ng insentibo ang mga kababayang tutugon sa pagtitipid sa tubig upang pamarisan ang mga ito ng nakakarami na tulungan ang ating kalikasan.
Aniya pa, pinagtitipid sa kunsumo ng tubig ang mga mamamayan pero dapat ay matiyak ng Local Government Units ang malinaw at palagiang komunikasyon sa mga water suppliers para mapangasiwaan ng maayos ang demand sa suplay.
Hinimok din ni Legarda ang mga residente ng Metro Manila na samantalahin ang mga pagkakataon na malakas ang ulan lalo na tuwing hapon at gabi.
Hirit ng mambabatas, maaari tayong makahanap ng ibang pamamaraan para sa pagiipon ng tubig ulan na maaaring gamitin para pandilig sa mga halaman o gamitin sa mga banyo na isa ring pamamaraan para makatulong sa pagtitipid sa tubig.
Matatandaang inanunsyo ng water concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. ang siyam na oras na water service interruption na makakaapekto sa 600,000 customers na sineserbisyuhan ng kumpanya dahil na rin sa pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam.