Pagbibigay kapangyarihan kay PRRD na mag-realign ng budget, agenda mamaya sa special session; Ibayong pagiingat sa plenaryo, ipapatupad

Target ngayon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na aprubahan sa special session ang pagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na mag-realign ng pondo sa 2020 national budget.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, higit sa P200 Billion na nakapaloob sa 2020 General Appropriations Act ang ililipat para matiyak ang sapat na suplay at availability ng pagkain at gamot sa susunod na dalawang buwan habang nasa krisis pa ang buong Luzon.

Nilinaw naman ni Cayetano na magmumula sa non-budgetary sources ang nasabing pondo at hindi ito makakaapekto sa pagbubuwis gayundin sa Build, Build, Build program ng pamahalaan.


Sinabi naman ni Majority Leader Martin Romualdez na gagawin ang special session upang mas mapadali ang paggamit ng Ehekutibo sa government resources para tuluyang mapigil ang pagkalat sa buong bansa ng coronavirus.

Tiniyak din ng Kamara na mabibigyan ng sapat na logistics si Pangulong Duterte upang magawa nito na mabigyan ang lahat ng mga Pilipino na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ng mga kinakailangang tulong mula sa pamahalaan.

Samantala, para masunod ang social distancing, lilimitahan lamang sa 20 ang bilang ng mga mambabatas na papayagang pumasok sa plenaryo kung saan tiniyak na well-represented ang mayorya, minorya at partylists.

Gagamit din ng videoconferencing application na Zoom Cloud Meetings para sa special session upang makapag-participate at makaboto ang mga kongresista na nasa kanilang mga distrito.

Hinikayat naman ang media na tumutok na lamang sa livestreaming sa FB page ni Speaker Cayetano o kaya ng House of Representatives.

Facebook Comments