Inihain ngayon ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang panukala na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na suspindehin ang nakatakdang pagtaas ng premium contribution sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong taon.
Inaamyendahan ng panukala ang RA 11223 o ang Universal Health Care Act, partikular ang nakasaad sa Section 10 ng batas kung saan simula ngayong 2021 ay tataas sa 3.5% mula sa kasalukuyang 3% ang premium contribution ng mga PhilHealth members.
Nakasaad sa panukala na hindi naman inaasahan na magkakaroon ng COVID-19 pandemic na nagpadapa sa ekonomiya at kabuhayan ng mga Pilipino sa gitna ng implementasyon ng UHC Law.
Bunsod aniya ng nararanasang hirap sa pandemya ay tiyak na mahihirapan ang mga members at employers na makasunod sa premium contribution hike.
Sa ilalim ng itinutulak na amyenda ay may kapangyarihan ang Pangulo na suspindehin ang pagpapatupad ng scheduled increase sa premium rates para sa kapakanan ng publiko matapos ang konsultasyon sa PhilHealth Board of Directors at Secretary of Finance.
Kabilang sa maaaring ikonsidera para sa pagpapatupad ng suspensyon ay kung mayroong state of national emergency.
Itatakda naman ang pagpapatuloy ng mga susunod pang scheduled increase sa mga susunod na taon matapos i-lift o alisin ang ibinabang suspensyon.