Manila, Philippines – Kinondena ni Senator Imee Marcos ang malaganap na pagsasamantala ng mga negosyante sa hanay ng mga manggagawa dahil sa patuloy na hindi pagbibigay ng kanilang 13th month pay kapag dumarating ang panahon ng Kapaskuhan.
Ibinunyag ni Marcos na hanggang ngayon ay maraming negosyante ang hindi sumusunod sa batas at sa halip na ibigay ang kabuuang isang buwang sahod bilang 13th month pay, ay binibigyan na lamang ang mga regular na manggagawa o empleyado ng grocery items.
Sinabi ni Marcos na hindi lamang sa Metro Manila ito ginagawa ng mga negosyante kundi pati sa mga probinsya.
Ang masakit pa ayon kay Marcos, sasabihin ng mga employer sa kanilang mga empleyado na ang grocery items na kanilang nakuha ay Chirstmas bonus na rin kung saan parang may utang na loob pa ang mga manggagawa.
Sa ngayon ay pinag-aaralan ni Marcos ang pagsusulong ng amyenda sa batas upang mabigyan ng kapangyarihan ang Department of Labor and Employment o DOLE na magpataw ng mabigat na parusa para maobliga ang mga kompanya na sumunod.