Pagbibigay ng 13th month pay subsidy sa MSE workers, sinisilip na ng Palasyo

Sinisilip na ng Malacañang ang posibilidad sa pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado mula sa Micro at Small Enterprises (MSEs) na patuloy na bumabangon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito ang pahayag ng Palasyo matapos i-anunsyo ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mangangailangan ang kagawaran ng nasa ₱13.7 billion para i-subsidize ang 13th month pay ng mga MSE workers.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakikipag-usap na sila sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Finance (DOF) hinggil dito.


Nagtatanong na aniya si Pangulong Rodrigo Duterte kung kailan matatanggap ng mga manggagawa ang kanilang 13th month pay.

“Sinabi naman ni Presidente ito noong huling Cabinet meeting, ang gusto niya malaman ay kailan makakarating sa taumbayan ‘yong 13th-month pay,” ani Roque.

Batid din nila ang hirap na dinadanas ngayon ng mga maliliit na kumpanya ngayong pandemya.

“Pero dahil nga po sa kondisyon ng ekonomiya, naiinitindihan naman natin na ‘yung mga small at micro ay baka mahirapan dahil talagang napakatagal nating nag-lockdown… ‘Yan po ay aalamin natin,” dagdag pa ni Roque.

Una nang sinabi ng DOLE na nasa 1.5 million na manggagawa ang apektado ng COVID-19 pandemic pero sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 5.1 million na manggagawa ang apektado.

Facebook Comments