Pagbibigay ng 20% discount sa mga mahihirap na job applicants na kukuha ng mga dokumento na kailangan sa trabaho, isinusulong ng isang senador

Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada na mabigyan ng diskwento ang mga mahihirap na job applicants sa bayarin at iba pang singil para sa pagkuha ng mga dokumento mula sa gobyerno na kailangan sa trabaho.

Sa Senate Bill 47 o ang “Indigent Job Applicants Discount Act” na inihain ni Estrada, pinabibigyan ng 20 percent discount ang mga mahihirap na aplikante para sa fees at charges sa pagkuha ng mga dokumento para sa pag-a-apply ng trabaho sa loob o labas man ng bansa.

Layunin ng panukala na matulungan ang indigent applicants na makakuha ng disenteng trabaho.


Giit ng senador, para sa mga mahihirap na kababayan ay mabigat sa bulsa ang mga bayarin sa mga dokumentong kailangang isumite sa pag-a-apply sa trabaho tulad ng mga hinihinging clearances at certificates.

Kabilang sa mga clearances at iba pang dokumento na sakop ng 20% discount ay ang mga sumusunod:

– NBI at PNP clearance
– Marriage at live birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA)
-Transcript of Records (TOR) at authenticated na kopya ng diploma mula sa State Universities and Colleges (SUCS)
-Medical certificate para sa local employment mula sa alinmang government hospital na lisensyado ng Department of Health (DOH)
-Civil service eligibility certificate mula sa Civil Service Commission (CSC)
-National certificate (NC) at certificate of competency (COC) na inisyu ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)
-at iba pang documentary requirements na inisyu ng gobyerno na maaaring hingiin ng employers sa mga mahihirap na aplikante.

Facebook Comments