Magsisimula na ngayong araw ang pagbibigay ng booster shot sa mga nasa A4 at A5 priority groups o mga essential worker at indigent population.
Ayon kay Dr. Niña Gloriani, chairperson ng Vaccine Expert Panel (VEP), kasama sa makakatanggap ng booster shot ang mga nakakumpleto na ng bakuna, anim na buwan na ang nakakalipas.
Tiniyak naman ni Gloriani na maglalagay sila ng special lanes para sa mga senior citizen, may comorbidity at mga healthcare worker.
“Actually, pareho lang din naman po ang sistema ‘no, idadagdag lang poi tong A4 and A5 kasi dati hindi sila ang priority,” ani Gloriani sa interview ng RMN Manila.
“Pero kung may darating na A1, A2, meron po sila dapat special lane lalo na yung A2 kasi yung A2 mga elderly na ‘no, pero of course yung A4, talagang tatanggapin na po,” dagdag niya.
Nilinaw naman ng vaccine expert na numero uno pa ring prayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng una at ikalawang dose ng COVID-19 vaccine.
“Mas importante po na mataasan natin yung mabibigyan ng first two doses… yung wala pang nare-receive kahit isa at yung naka-receive ng isa kailangang makumpleto yung pangalawa. ‘Yun po ang number one sa priority bago tayo magbu-boost, saka susunod-sunod na po yung sa guidelines natin,” paliwanag ni Gloriani.
Samantala, nitong November 29, nasa ika-apat na pwesto ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may pinakamataas na bilang ng naturukan sa loob lang ng isang araw na umabot sa 2.7 million.