Itutulak ni Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin na bukod sa cash ay isama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pagbibigay ng food coupons sa mga mahihirap na estudyante.
Giit ni Garbin, isa sa mga kondisyon ng 4Ps sa mga benepisyaryong estudyante ay i-maintain ang 85% attendance kada buwan.
Pero paliwanag ng kongresista, maaaring pumasok at mag-perfect attendance ang isang estudyante na walang laman ang sikmura dahilan kaya naaapektuhan ang pagkatuto ng isang mag-aaral.
Ayon kay Garbin, ang perang ibinibigay sa mga beneficiaries sa ilalim ng 4Ps ay hindi na namo-monitor at kadalasang ipinambibili na lamang ng mga magulang ng mga non-essential items tulad ng gadgets, cellphone, appliances, alak, sigarilyo, sugal at maging ng droga.
Aniya, kung food coupon ang ibibigay sa mga estudyante ay maaari itong ipamalit na pagkain sa kanilang mga canteen.
Hihilingin din ng mambabatas na madagdagan pati ang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa feeding program ng mga estudyante.