Pagbibigay ng free legal aid sa mga frontliners, hiniling na ipagpatuloy lamang ng mga law school

Nanawagan si Rizal Rep. Fidel Nograles sa mga law schools na ipagpatuloy ang pagbibigay ng free legal aid sa mga frontliners sa harap na rin ng kinakaharap na COVID-19 pandemic sa bansa.

Sinabi ni Nograles na malaking tulong ang free legal aid sa mga frontliners at maging sa mga pasyente ng Coronavirus Disease 2019 na nakararanas ngayon ng diskriminasyon.

Maliban dito, mahahasa din ang mga estudyante para maagang matuto ang mga ito sa takbo ng propesyon na kanilang papasukan.


Kung patuloy, aniya, na mag-operate ang mga free legal clinic ng mga law school bukod sa makakatulong sa mga nangangailangan ng kanilang serbisyo ay nabibigyan rin ng training ang mga future lawyers.

Noong nakaraang linggo, binuo ng mga alumni ng UP College of Law ang Volunteer Lawyers Against Discrimination (VLAD) mula sa 20 law schools sa buong bansa para tulungan ang mga biktima ng diskriminasyon na may kaugnayan sa COVID-19 pandemic at mga frontliner kasama na ang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Una nang sinuportahan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nangakong idedepensa ng mga ito ang mga frontliners na biktima ng diskriminasyon at karapatang pantao dahil lamang sa pagganap ng mga ito sa kanilang tungkulin laban sa COVID-19.

Facebook Comments