Pinabibigyan ni Camarines Norte Rep. Rosemarie Panotes ng kapangyarihan ang mga lokal na sanggunian ng mga bayan at siyudad sa bansa na magtakda ng “tricycle lanes.”
Nakapaloob ito sa House Bill 2118 na inihain ni Panotes na layuning makapagtakda ang mga lokal na pamahalaan ng tricycle lanes sa mga pampublikong lansangan o highways sa kani-kanilang nasasakupan.
Paliwanag ni Panotes, napapanahon para magkaroon ng tricycle lanes dahil sa ngayon ay kailangan pang humanap ng mga tricycle ng mga road lane kung saan sila ubrang makadaan na nagdudulot ng pagbagal ng daloy ng trapiko at minsan ay sanhi ng aksidente.
Giit ni Panotes, kung magkakaroon ng tricycle lanes ay mahihinto rin ang paglilipat-lipat ng linya sa kalsada na minsan ay sanhi ng away ng mga drayber, aksidente at abala sa biyahe.
Naniniwala si Panotes na magsusulong din ito ng disiplina sa mga tsuper ng tricycle at iba pang sasakyan dahil maoobliga sila na manatili sa road lanes na para sa kanila.