Isinusulong muli ni Senator Imee Marcos na bigyan si Pangulong Bongbong Marcos ng kapangyarihan na suspendihin ang Value-Added Tax (VAT) sa petrolyo.
Ayon sa kanyang panukalang batas na inihain sa senador, binigyang diin na pwedeng ipasuspinde o kaltasan ng 12% VAT sa petrolyo kapag ang bansa ay nasa State Of National Emergency o kaya State Of Calamity gaya nitong nananatiling COVID-19 pandemic.
Nasa panukala na hanggang isang taon lamang ang suspensyon o kaltas sa VAT at gagawin ito ng pangulo kapag kailangang-kailan upang protektahan ang interes at kapakanan ng publiko.
Inihain ni Marcos ang katulad na panukala noong nakaraang kongrseso pero hindi naaksyunan sa Senado dahil kinapos na sa panahon.
Sa huling paghahain nito, sinabi ni Senator Imee na kailangang maibsan ang paghihirap ng publiko sa gitna ng nananatiling pandemya at ang patuloy na pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Batay sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo ang isa sa nagtulak sa pagtaas ng inflation o nagpabilis sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Para sa senadora, suspensyon o pansamantalang pagkaltas ng VAT ang mas kakayanin ng pamahalaan kaysa sa itinutulak ng ibang kapwa mambabatas na tanggalin o kaya suspendihin ang Excise Tax sa petrolyo.