Pagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo para suspendehin ang VAT sa petroleum products, isinulong sa Senado

Inihain ni Senator Imee Marcos ang Senate Bill no. 2320 na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibaba o suspendehin ang Value Added Tax (VAT) na ipinapataw sa produktong petrolyo.

Ang nabanggit na kapangyarihan ay maaring gamitin ng pangulo sa loob ng isang taon habang umiiral ang National Emergency o State of Calamity tulad ngayon na may COVID-19 pandemic.

Nakapaloob sa panukala ni Marcos ang pag-amyenda sa National Internal Revenue Code upang maibigay sa pangulo ang naturang kapangyarihan para sa interes at kapakanan ng publiko.


Paliwanag ni Marcos, ang pagsuspinde o pagtapyas sa 12% VAT sa petroleum products ay tiyak na magpapababa sa presyo nito na magreresulta ng pagbaba rin sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Diin ni Marcos, malaking tulong ito ngayong may pandemya kung saan marami ang nahihirapan dahil marami ang nawalan ng trabaho o kabuhayan at marami rin ang nagsarang negosyo.

Facebook Comments