Posibleng mapahinto na ang pagbibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng kanilang mandatory contributions sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sa pagsisimula ng marathon hearing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma na pabor siya kung tatanggalin ang mandatory contributions sa mga ahensya ng gobyerno para mas marami silang matulungang benepisyaryo.
Mas magiging praktikal din ito para sa PCSO dahil may mga sarili namang mga pondo ang mga ahensya.
Dagdag pa dito, mas mapagtutuunan din aniya nila ng pansin ang medical assistance lalo na ang sakop ng Universal Health Care Law.
Dahil dito ay maghahain ng panukalang batas si Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves para hindi na maobliga na maglaan ng alokasyon sa government agencies.
Mula 1998 hanggang June 2019 ay umabot sa P13.92 billion ang nairemit ng PCSO sa ilang ahensya ng pamahalaan tulad ng Commission on Higher Education, Dangerous Drugs Board, Philippine Sports Commission at Philippine Crop Insurance Corporation.