Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11600 at Republic Act 11601 na nagbibigay ng panibagong 25 taong prangkisa sa Manila Water Company at Maynilad Water Services, Inc.
Nakapaloob sa nasabing batas na dapat sumunod sa environmental at sustainability standards ang Maynilad at Manila Water at makipagtulungan sa Local Government Units (LGU) para matiyak ang ligtas at maayos na serbisyo.
May probisyon din na maaaring i-take over ng nakaupong pangulo ang pansamantalang operasyon ng mga kompanya kapag mayroong digmaan, rebelyon, kaguluhan, kalamidad, emergency, sakuna o problema sa peace and order.
Maaari namang kanselahin ng Kongreso ang prangkisa kapag nabigo ang dalawang kompanya na makatugon sa mga regulasyon at hindi makapag-operate sa loob ng dalawang taon.
Obligado rin ang Maynilad at Manila Water na magsumite ng taunang report sa Kongreso kaugnay sa kanilang development, operasyon, expansion at audited financial statements at kapag nabigong gawin ito ay pagmumultahin sila ng isang milyong piso kada araw.