Tahasang pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y pagbibigay nila ng bahagi ng nasamsam na iligal na droga bilang pabuya sa mga impormante nito sa bawat matagumpay na drug buy bust operation.
Ayon kay PNP Chief Information Officer PCol. Redrico Maranan, hindi nila ito gagawin dahil unang-una, iligal ito sa ilalim ng batas.
Paliwanag ni Maranan, base sa proseso dapat isumite sa korte ang mga nakumpiskang droga bilang ebidensya.
Dagdag pa ni Maranan, taliwas ito sa nais makamit ng gobyerno na maging drug-free ang Pilipinas balang araw.
Ang pahayag ng opisyal ay makaraang ibunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Virgilio Moro Lazo ang umano’y umiiral na sistema sa PNP na pagbibigay umano ng 30% ng nasamsam na droga sa tipsters sa matagumpay na buy-bust operation.
Samantala, mayroong reward system na umiiral sa PNP pero ito ay monetary amount depende sa kanilang naging kontribusyon sa matagumpay na drug operation.