Nilinaw ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na hindi pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag ang pag-restrict sa mga terrorist websites sa bansa kabilang ang dalawang online publications.
Ito ay makaraang aprobahan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang hiling ni Esperon na i-restrict ng mga local Internet Service Providers ang access sa mga website na ito mula sa Pilipinas.
Paliwanag ni Esperon, malaya parin naman na mailalathala ng mga websites na ito ang kanilang propaganda, pero hindi lang ito mapupuntahan ng mga viewers na nasa Pilipinas.
Ayon kay Esperon, nauunawaan niya na maaring may mga naalarma sa pagkakasama ng mga online publications na “Bulatlat” at “Pinoy Weekly” sa listahan ng mga website na kanilang pina-restrict.
Pinaliwanag ni Esperon na ang mga naturang websites ay naglalahad ng panawagan upang magkaroon ng armadong rebolusyon na saklaw ng depenisyon ng terorismo batay sa Section 9, o Anti-Terrorism Act of 2020 (R.A. 11479).
Maging ang paglalahad din aniya ng mga ito ng impormasyon na sakop ng Section 10 ng Anti-Terrorism Act, patungkol sa Recruitment to and Membership in a Terrorist Organization.
Nagpasalamat naman si Esperon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa mabilis na aksyon sa pag-restrict ng mga websites sa Pilipinas na konektado sa mga teroristang komunista.