Patuloy na itinataguyod ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagtulong para makapagtrabaho ang mga nakatatanda o senior citizens at persons with disabilities o PWDs.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, mas lalo pang tumaas ang bilang ng mga nabigyan ng trabaho na kinabibilangan ng mga senior citizen, maging ang employment ng PWDs.
Sinabi pa ng alkalde, kayang-kaya pa ng mga senior citizen at mga PWD ang maghanap-buhay at kumita para sa kanilang pangangailangan.
Kaugnay nito, lumagda sa memorandum of agreement o MOA ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Asia Ventures Incorporated na nagtatakda na magbigay ng trabaho ang isang senior citizen at isang person with special concern ang lahat ng branch nito sa Maynila.
Umaasa si Mayor Honey na sa hinaharap ay madagdagan pa ang mga senior at PWDs na mabibigyan ng pagkakataon na magkatrabaho.
Pinapayuhan pa ni Mayor Honey ang senior citizen at PWDs na interesadong magtrabaho na magtungo lamang sa tanggapan ng Public Employment Service Office-Manila o PESO-Manila sa Park ‘n Ride building sa Ermita, Manila.