Pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga OFWs, tuloy ayon sa DOLE

Nilinaw ng Department of Labor and Employment na hindi nila sinuspinde ang pagbibigay tulong pinansiyal sa mga Overseas Filipino Workers o OFWs.

Sa abiso ng DOLE, maaari pa ring mag-apply para sa government cash aid ang mga OFWs kung saan binawi nila ang naunang anunsyo nito na sinuspinde ng kanilang mga opisina ang pagtanggap ng mga aplikasyon.

Nabatid kasi na noong araw ng Martes, April 21, ilan sa mga Philippine Overseas Labor Offices (POLO) ang tumigil sa pagtanggap ng aplikasyon sa Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program ng DOLE dahil sa limited umano ang budget sa ₱1.5 bilyon.


Sa nasabing AKAP program ng DOLE, makatatanggap ng $200 o ₱10,000 halaga ng tulong pinansyal ang OFWs na nasa piling mga bansa na mayroon COVID-19 pandemic.

Ilan sa mga OFWs ay nagsumite ng kanilang aplikasyon sa mga labor office upang makatanggap ng pera lalo na’t hirap ang kanilang kalagayan sa kasalikuyang krisis na kinakaharap ng ilang bansa dahil sa COVID-19.

Sinabi naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III na makatatanggap din ng ayuda ang mga OFW na nasa “no work, no pay” scheme.

Facebook Comments