
Binigyang-diin ni Senator Francis Tolentino ang kahalagahan na agad maprotektahan ang “digital sovereignty” ng Pilipinas laban sa panghihimasok ng mga dayuhan.
Tinukoy ni Tolentino ang disinformation campaigns sa social media laban sa Commission on Elections (COMELEC) kung saan iniatras ‘di umano sa May 10 ang halalan sa halip na sa May 12 dahil sa matinding init ng panahon na kalaunan ay itinanggi naman ng komisyon.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pang-e-espiya at panghihimasok na ginagawa ng China, sinabi ni Tolentino na mahalagang mapangalagaan ang ating “digital sovereignty” na siyang nakapaloob sa Senate Bill 2951 o Counter Foreign Interference Act.
Paliwanag ng mambabatas, sa ilalim ng panukala ay mas pinalawak pa ang saklaw ng pambansang seguridad ng bansa kung saan kasama na rito ang digital space.
Punto ng senador, pinapatrolya ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy at PNP Maritime Group ang ating mga karagatan pero wala tayong cyber patrol para hindi mapasok ng dayuhan ang internal affairs ng bansa.
Nakasaad pa sa bill ang pag-block ng mga internet service providers laban sa mga mapanganib na electronic communications para mapigilan ang pag-access sa ating system na maaaring makasama sa ating national security at public safety.









