
Lubhang nakakaalarma para kay Kabayan Party-list Representative Ron Salo ang reports na maraming naranasang problema sa pagboto online ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa impormasyon ni Salo, may mga OFW na nahirapan sa enrollment process ng pagboto dahil walang tugon ang sistema at nagka-aberya rin sa vote confirmation.
Nakababahala rin para kay Salo ang napaulat na mga insidente kung saan magkaiba ang nakasaad sa final ballot sa mga kandidatong ibinoto ng ilang OFWs.
Binanggit ni Salo na mayroon din umanong mga seafarer ang hindi pinayagang makaboto sa online system kahit sila ay nakarehistro at nasa Pilipinas para bumoto.
Ayon kay Salo, hindi dapat palampasin ang nabanggit na mga reklamo dahil kung totoo ang mga ito ay tiyak na maaapektuhan ang integridad at reliability ng overseas voting system.