Pagbili ng bakuna laban sa ASF virus, naantala

Naantala ang planong pagbili ng pamahalaan ng bakuna laban sa African Swine Flu (ASF).

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, naantala ang deployment ng ASF vaccine dahil sa mataas na demand nito at inuna rin ng pamahalaan ang pagbili ng COVID-19 vaccine

“Kasama po iyan sa whole-of-nation approach natin na kinakailangan tayong mag-angkat ng ASF vaccine. Pero gaya ng coronavirus vaccine ay naantala lang po ang deployment ng ASF vaccine kasi nga po, unang-una, mataas din ang demand; pangalawa, mas inuuna ng mga dalubhasa itong COVID-19 vaccine. Pero mayroon na po tayong hakbang na mga ginawa para mag-angkat po ng vaccine,” sabi ni Roque.


Kasabay nito, tiniyak ni Roque na mayroong sapat na hakbangin ang pamahalaan para tugunan ang problema sa ASF habang wala pang bakuna.

Kabilang dito ang insurance ng mga magbababoy para hindi sila tuluyang malugi.

Mayroon na rin aniyang ipinatawag na food security summit si Pangulong Rodrigo Duterte para bigyang tugon ang iba pang isyung may kinalaman sa sektor ng agrikultura.

“Isa sa programa na ini-introduce din natin, for your information po, ay iyong insurance para sa mga magbababoy na kung sila ay tamaan muli ng ASF, at least hindi sila tuluyang malulugi, inaasahan po natin ito na magbibigay kumpiyansa ito sa mga magbababoy na magsimula muli matapos sila masalanta ng ASF,” sabi ni Roque.

Batay sa record ng Department of Agriculture (DA), apat na milyong baboy na ang namatay dahil sa ASF sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments