Pagbili ng gobyerno sa AstraZeneca Vaccine, mawawalan ng saysay kapag hindi napigilan ang pagkalat ng South African variant – OCTA Research

Posibleng mabalewala ang biniling ₱17 million halaga na AstraZeneca COVID-19 vaccine ng gobyerno kung hindi agad mapipigilan ang pagkalat ng South African variant sa bansa.

Ito ay matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang anim na kaso ng South African variant sa bansa.

Ayon kay Molecular Biologist Dr. Nicanor Austriaco ng OCTA Research team, lumabas sa isang pag-aaral sa South Africa na mula 70% na efficacy rate ay bumaba ito sa 10% sa B.1.351 o South African variant.


Aniya, kung kumalat ang South African variant sa bansa ay magiging malaking problema ito dahil hindi kayang pigilan ang pagdami nito kahit pa man dumating na sa bansa ang AstraZeneca vaccine.

Giit ni Austriaco, may panahon pa naman ang pamahalaan para magawa ang lahat ng paraan para hindi na kumalat ang mapanganib na COVID-19 variant sa bansa.

Muli ring inirekomenda ng OCTA Research Group sa pamahalaan na palakasin pa ang testing, tracing, isolation at maging lockdowns sa mga lugar na may mga kaso ng dalawang bagong COVID-19 variant.

Facebook Comments