Nag-usap na sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Philippine Air Force Commanding General, Lieutenant General Allen Paredes kaugnay sa planong pagbili pa ng karagdagang anim na eroplanong pandigma mula sa Brazil.
Inihayag ito ng kalihim matapos pormal na mai-turn over sa Philippine Air Force ng Embraer Defense and Security ng Brazil ang anim na bagong A-29B Super Tucano Close Air support aircraft.
Sa mensahe ni Secretary Lorenzana sa turn-over at blessing ceremony ng mga bagong eroplano, itinuturing nito bilang major capability upgrade ng Philippine Air Force ang karagdagang air assets.
Aniya, malaking bagay ang air power sa internal security operations, katulad ng karanasan sa Marawi seige, na kung hindi dahil sa air support ay maaring mas nahirapan ang ground forces na matalo ang kalaban.
Pinuri naman ni Lorenzana ang Brazilian supplier ng eroplano sa mabilis na pag-deliver ng mga eroplano na inabot lang ng humigit kumulang isang taon mula nang magkapirmahan ng kontrata.