Pagbili ng mga bagong sasakyan ng DepEd, kinondena ng Teachers’ Dignity Coalition

Kinondena ng Teachers’ Dignity Coalition ang pagbili ng Department of Education (DepEd) ng nasa 166 na mga bagong sasakyan, kabilang na ang nasa 88 na truck.

Una nang iginiit ng DepEd na ang mga bagong sasakyan ay gagamitin ng kanilang mga engineer na gumagawa at nag-iinspeksyon ng mga classroom, maging para sa module distribution.

Pero sa interview ng RMN Manila, sinabi ni TDC National Chairperson Benjo Basas na hindi napapanahon ang pagbili ng mga bagong sasakyan ng DepEd lalo na’t nahaharap sa krisis ang bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.


Giit ni Basas, maaari sanang gamitin sa mas mahalagang bagay ang nasabing pondo tulad ng pagbili ng learning materials na magagamit ng mga bata at guro sa kanilang distance learning.

Una nang idinipensa ng Malacañang ang pagbili ng mga bagong sasakyan ng DepEd kung saan sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na matagal na itong planong ng gobyerno.

Facebook Comments