Pagbili ng PNP ng body camera, dapat siguraduhin na hindi mahahaluan ng katiwalian

Pinapatiyak ni Senator Grace Poe sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na hindi malulusutan ng katiwalian ang pagbili ng mga body camera.

Kasunod ito ng paglalabas ng Korte Suprema ng panuntunan sa tamang paggamit ng body cameras ng mga pulis sa kanilang mga operasyon lalo na sa pagsisilbi ng warrant of arrests.

Ayon sa mambabatas, inaasahan ng publiko na ginawa ng PNP at iba pang kinauukulang ahensya ang lahat ng nararapat na hakbang at legal na proseso sa pagbili ng mga body camera.


Anumang report ng iregularidad ay maaring makaapekto sa pagsisikap na makamit agad ang layunin ng paggamit ng body camera na ma-i-record ang buong katotohanan o pangyayari sa bawat operasyon ng pulisya.

Giit ni Poe, hindi na dapat maudlot ang teknolohiyang ito na inaasahang magpapalakas sa paglaban ng pulisya sa kriminalidad at pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima at sangkot sa krimen.

Facebook Comments