Pinaaapura ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Health (DOH) ang pagbili ng personal protective equipments (PPEs).
Kasabay nito ang pagpuna ng kongresista sa mabagal na proseso sa pagbili ng protective gear sa mga medical frontliners sa gitna ng health crisis.
Ayon kay Marcoleta, aabot sa ₱2 bilyon ang inilaan ng Kongreso sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 para sa pagbili ng PPEs.
Aniya, Enero pa sinimulan ng DBM ang procurement process pero hanggang ngayon ay wala pang nabibiling facemasks at PPEs para sa mga medical frontliner.
Hindi aniya dapat pinaghihintay ng matagal ang mga doktor at nurses ngayong lumulobo pa ang mga COVID-19 cases sa bansa.
Hirit pa ng kongresista, hindi dapat pabayaan na bumaba ang healthcare capacity ng bansa dahil lamang sa kawalan ng protective gear ng frontliners na siyang inaasahan ng mga maysakit.