Pagbili ng Sasakyang Pang Sundo sa Labi ng mga Yumaong Cauayeños, Ipinanukala

Cauayan City, Isabela- Nakalusot na sa unang pagbasa sa Sangguniang Panlungsod ang pagbili ng sasakyan ng LGU Cauayan na gagamitin sa pagsundo sa mga labi ng yumaong Cauayeño na namatay sa ibang lugar.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Edgardo “Egay” Atienza, napapanahon aniya ang kanyang panukala para sa mga Cauayeño lalo na’t di maiwasan na may masawi sanhi ng COVID-19.

Nilinaw ni SP Atienza na ang kanyang ipinanukala ay para lamang sa mga residente ng Lungsod ng Cauayan.


Libre aniya ito para sa mga Cauayeño pero mayroon lamang konting counterpart ang gagamit para sa gas ng sasakyan.

Sa pamamagitan aniya ng sasakyan ay hindi na kinakailangang mag-renta ng sinuman para maiuwi ang labi ng kaanak o mahal sa buhay na nasa ibang bayan o Lalawigan.

Hindi na rin aniya mamomroblema ang mga opisyal ng barangay sa kanilang constituents sakaling may hihingi ng tulong para maiuwi ang labi sa kanilang barangay.

Naniniwala si SP Member Atienza na aaprubahan ito ng konseho dahil sa nakitang malaki ang maitutulong nito para sa mga Cauayeño.

Dagdag dito, sakaling maaprubahan ang nasabing panukala ay mamanduhan ito ng Rescue 922 na pangungunahan ni City Disaster Risk Reduction and Management Officer Ronald Viloria.

Facebook Comments