Nasa plano pa rin ang pagbili ng gobyerno ng submarine.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panayam kanina sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Philippine Navy sa Maynila.
Ayon sa presidente, maraming alok mula sa iba’t ibang bansa para bumili ng submarine at mayroon ding alok na domestic assembly at construction ng naval assets.
Pero ayon sa pangulo, pinag-aaralan pa ang pagbili nito dahil hindi aniya small commitment.
Malaking commitment ito ayon sa pangulo at kakailanganin ng pagsasanay, equipment at operational requirements.
Sa ngayon, inuuna muna ng gobyerno ay ang pag-develop ng anti-submarine capabilities at sa tamang panahon aniya ay magagawa nang bumili ng submarine ng bansa.
Ipinunto naman ng pangulo na hindi lang makatutulong sa depensa ng bansa ang submarine, magbibigay rin aniya ito ng trabaho para sa mga Pilipino.
Matatandaang nang nakaraang taon ay inihayag ng Department of National Defense na hindi prayoridad ng Pilipinas ang pagbili ng submarines para sa Philippine Navy.