Pagbisita ng Papal Nuncio sa Isabela, Idineklarang Special Non-Working Day!

*ISABELA- *Idineklarang Special non-working day ang Pebrero 11, 2019 sa Provincial Government ng Isabela habang sa Pebrero 12, 2019 naman ay sa buong Lalawigan na ng Isabela kaugnay sa nakatakdang pagbisita ng kinatawan ng Vatican sa Pilipinas na si Archbishop Gabriele Giordano Caccia.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, nilinaw nito na walang pasok sa lahat ng tanggapan ng Provincial Capitol upang mapaghandaan ang pagdalaw ng Papal Nuncio sa Lalawigan.

Ito ay matapos lagdaan ni Isabela Governor Faustino Bojie Dy III ang Executive Order no.03-2019 na naglalayong mabigyan ng respeto at pormal na pagsalubong ang official state visit ng Papal Nuncio.


Pangungunahan rin ng Gobernador at ilang opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela ang pagsalubong kay Archbishop Gabriele Giordano Caccia.

Kaugnay nito, magkakaroon din ng state dinner sa amphitheater kasama ang mga inimbitahang panauhin.

Nakatakda naman sa Pebrero 12, 2019 ang pagluluklok sa bagong obispo ng Diosesis ng City of Ilagan na si Bishop David William Antonio na pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia.

Samantala, nilinaw rin ni Ginoong Santos na hindi kabilang ang Santiago City sa ipinalabas na Executive Order subalit nasa desisyon pa rin ng City Mayor kung magdedeklara din ito ng Special Non-Working Day sa pagdalaw ng Papal Nuncio.

Facebook Comments