Isinulong ni Paranaque Rep. Edwin Olivarez ang pagsasagawa ng botohan sa mga shopping mall para mas marami ang mahikayat na bumoto tuwing national at local elections sa ating bansa.
Nakapaloob ang mungkahi ni Olivarez sa inihain niyang House Bill 6854 o panukalang “Mall Voting Convenience Act of 2023″ na layuning gawing mas maginhawa ang pagboto lalo na sa mga senior citizen.
Paliwanag ni Olivarez, mainam na maglagay ang Commission on Elections (COMELEC) ng voting precincts o voting sites sa mga mall kung saan mas komportable, may aircon, may parking spaces, sapat ang security measures o presensya na mga pulis, at ligtas.
Tiwala si Olivarez na uubra ito lalo’t nasubukan na ng COMELEC na gawin ang pagpaparehistro sa mga malls sa pamamagitan ng Register Anywhere Project o RAP.