Inihirit ni Senator Sherwin Gatchalian sa mga Government Financial Institutions (GFIs) na magbukas ng bank account para sa mga Pilipinong wala pang bank accounts.
Layunin ng isinusulong na panukala ni Gatchalian na mapabilis ang pamamahagi ng pamahalaan ng ayuda gayundin ang koordinasyon sa mga LGUs hanggang sa mga barangay nang sa gayon ay synchronized na ang pamimigay ng financial aid.
Sa Senate Bill 808 o One Filipino One Bank Account Act, binibigyang mandato ang Land Bank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP) na magbukas ng bank account sa bawat Pilipinong wala pa nito.
Ang pagbubukas ng bank account ay dapat na libre sa anumang opening at maintenance fees at iba pang charges.
Saklaw ng panukala ang lahat ng mga Pilipino na sakop ng Philippine Identification System (PhilSys) sa ilalim ng Republic Act 11055.
Sinabi ni Gatchalian na makakatulong din ito upang mas madaling matututo ang mga kababayan na gumamit ng bangko at ng mga online facilities para sa iba’t ibang transaksyon tulad ng pagbabayad ng bills, mga bilihin at pagiimpok o savings.