Pagbubukas ng klase ngayong school year, nakatakda pa rin sa Agosto ayon sa Palasyo

Mananatili pa rin sa August 24, 2020 ang opening ng mga klase para sa School Year 2020-2021.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, maliban na lamang kung irerekomenda ng Department of Education (DepEd) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang school opening ngayong taon.

Noong Biyernes, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11480 na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na i-urong ang petsa ng pagbubukas ng klase na iba sa itinakda ng batas lalo na kung may state of emergency o state of calamity.


Paliwanag pa ng kalihim, ang batas ay nagbibigay ng flexibility sa Punong Ehekutibo kung sa tingin nila ay mas kinakailangan pa ng mahabang panahon bago bumalik sa eskwelahan ang mga mag-aaral.

Sa ngayon, nananatili ang desisyon ni Pangulong Duterte na wala pa ring face-to-face learning hangga’t wala pang gamot o bakuna sa COVID-19.

Kung kaya’t ngayong pasukan, ipatutupad ng DepEd ang blended learning o sa pamamagitan ng internet, printed modules, telebisyon at radyo.

Facebook Comments