Ipinapalipat nina Senate President Tito Sotto III at Senator Joel Villanueva ang pagbubukas ng klase sa Setyembre o kaya ay sa buwan na itatakda ng Pangulo.
Sa Senate Bill Number 1438 na inihain ni SP Sotto ay pinapa-amyendahan ang republic act 7977 na nag uutos ng pagbubukas ng klase sa Hunyo hanggang Agosto.
Nakabase ang panukala ni Sotto sa rekumendasyon ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na iurong ang pasukan dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Bukod pa ito sa pag aaral na nagpapakita na posibleng transmitter ng COVID-19 ang mga nasa edad zero hanggang 20 taong gulang.
Samantala, nakapaloob naman sa Senate Bill Number 1452 na inihain Villanueva ang pagbibigay ng kapangyarihan sa education secretary na baguhin ang petsa ng pasukan kapag may national emergency, may kalamidad at katulad na insidente.
Layunin ng panukala ni Villanueva na maproteksyunan laban sa panganib ang mga estudyante, guro at iba pang empleyado ng paaralan.
Binigyang konsiderasyon ni Villanueva sa inihaing panukala ang report ng UP Resilience Institute na kapag patuloy na sinuspinde ang pasok sa eskwela hanggang Disyembre ay mas malilimitahan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 cases.