Tuloy na tuloy pa rin ang pagbubukas ng klase sa lalawigan ng Occidental Mindoro ngayong araw sa kabila ng nangyaring 5.4 magnitude na lindol pasado alas-2:16 kaninang madaling araw.
Sa pahayag na nilabas ng Department of Education o DepEd, ipinarating sa kanila ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na hindi nagdulot ng malalang pinsala na dulot ng pagyanig.
Ito rin ay kinumpirma ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa at Mario Mulingbayan, Provincial Disaster Risk Reduction and Management o DRRM Officer.
Sinabi rin ng DepEd na hindi naman nagdeklara si Gov. Gadiano kahit anong suspension sa kanyang lalawigan.
Kaya naman ayon sa kagawaran na magpapatuloy pa rin ang opening of classes sa probisya ng Occidental Mindoro ngayong araw.
Pahayag pa ng DepEd na naipaabot na ang mga learning module sa lahat ng mag-aaral sa naturang lalawigan, tatlong araw bago magbukas ang klase ngayong araw para sa School Year 2020-2021.