Pagbubukas ng mga negosyo, dapat i-synchronize sa COVID-19 vaccination plan

Iminungkahi ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa Inter-Agency Task Force (IATF) na i-synchronize o isabay sa COVID-19 vaccine plan ang pagbubukas ng mga negosyo sa bansa.

Ang rekomendasyon ng mambabatas ay kasunod na rin ng reserbasyon ng mga Metro Manila mayors sa desisyon ng IATF na payagan na ang pagbubukas ng mga sinehan at mga indoor leisure establishments sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine o GCQ.

Paliwanag ni Biazon, mahalagang matukoy ang mga sektor sa ekonomiya na bubuksan at ang reopening ng mga negosyo ay dapat nakatali sa vaccination plan ng nasabing industriya.


Kung ganito aniya ang gagawin ng pamahalaan ay makakatulong ito para mapataas ang kumpyansa ng mga consumers para tangkilikin muli ang mga negosyo.

Dagdag pa ng kongresista, ang muling pagbubukas ng mga businesses ay dapat gawing localized depende kung aling local government unit ang nakapagsimula na ng COVID-19 vaccination.

Mababatid na nagkaroon ng pag-aalinlangan ang mga alkalde sa Metro Manila at mga health experts sa pagpayag ng IATF na buksan na ang mga sinehan sa 50% capacity sa mga GCQ areas habang 75% naman sa mga MGCQ areas.

Facebook Comments