Sa plenary debate ng Senado ukol sa panukalang 2022 national budget ay kinuwestyon ng mga senador kung bakit hindi hayaang magbukas para sa face-to-face classes ang mga paaralan sa mga lugar na low risk sa COVID-19 tulad ng Metro Manila na nasa Alert Level 2 na.
Giit ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan na ang face-to-face classes sa 50% kung saan pwede na ang mga bata sa malls at mga restaurant.
Dismayado rin si Senator Pia Cayetano na habang ikinatutuwa ang pagpunta ng mga tao sa mga mall ay wala namang pinapayagan pang magtungo sa mga paaralan.
Nababahala naman si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa hindi magandang epekto sa mga mag-aaral ng dalawang taon na hindi nila pagpunta sa mga classroom o paaralan.
Paliwanag naman ni Senator Sonny Angara na siyang nagdedepensa ng budget, kailangan ang go signal ng pangulo para makabalik sa face-to-face classes ang elementary at high school.
Binanggit ni Angara na ang Commission on Higher Education (CHED) naman ay may polisiya na dapat 70% ng mga estudyante at faculty members ang bakunado na bago maisagawa ang face-to-face classes.
Bukod dito ay kailangan din ang go signal ng mga lokal na pamahalaan kung saan nakatayo ang paaralan at kailangan ang retrofitting ng mga classroom.
Nangako naman si National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na tatalakayin ang face-to-face classes sa pulong ng Inter-Agency Task Force.