Handa na para sa COVID-19 patients ang Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Sports Complex, Philippine International Convention Center at ang World Trade Center sa Metro Manila bilang instant hospitals para sa mas maraming COVID-19 positive patients.
Ang 112-bed Ninoy Aquino Stadium—na tatauhan ng Armed Forces of the Philippines Medical Corps ay magiging operational ngayong Linggo, habang ang PICC at WTC ay matatapos na sa April 11.
Tinitingnan na rin ng gobyerno ang conversion ng Philippine Arena sa Bulacan bilang “mega-quarantine facility” matapos ialok ito ng Iglesia ni Cristo base sa anunsiyo ni Bases Conversion and Development Authority President and CEO Vince Dizon.
Kasunod na rin ito ng pagkakapasa ng Bayanihan to Heal as One Act kung saan si Senador Bong Go ang Chairman ng Senate Committee on Health at miyembro ng Joint Oversight Committee na nangangasiwa sa implementasyon ng nasabing batas na ayon kay Go layon nitong maagapan ang panganib sa paglaganap ng Coronavirus Disese(COVID-19) sa bansa.
Una nang sinabi sa press conference ni Presidential Adviser on the Peace Process at chief implementer ng action plan ng gobyerno laban sa coronavirus pandemic na si Carlito Galvez, Jr. na pinaplano ng gobyerno na simulan ang massive testing ng PUIs at PUMs sa Abril 14.
Ito ay pangunahin sa iba pang pagsisikap ng pamahalaan na makontrol ang outbreak ng COVID-19 sa bansa, kabilang sa mga ito ay ang pagbibigay pahintulot sa mga pampubliko at pribadong health facilities na makapagdaos ng naturang tests.
Pinasimulan na rin ng gobyerno ang massive procurement ng test kits at complete sets ng Personal Protective Equipment(PPE) at iba pang mga kinakailangang Medical supplies.
Isinama na rin ng DOH ang healthcare workers sa COVID-19 testing protocols matapos ipinanawagan ni Senator Bong Go ang pagsama PHWs tulad ng mga doctors at nurses sa kasalukuyang COVID-19 testing protocols para matiyak ang sapat na health human resources sa mga hospitals sa bansa.