Pagbubukas ng STL sa Isabela, Pinaplantsa na

Cauayan City, Isabela- Pinaplantsa na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Isabela ang target na pagbubukas ng kanilang Small-Town Lottery o STL sa Agosto.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay General Manager Yamashita Japinan, PCSO Isabela, kanyang sinabi na wala pang katikayakan kung kailan ang petsa ng pagbabalik ng STL sa Agosto subalit kasalukuyan na aniya ang ginagawang pag-aayos ng mga operators sa mga hinihinging dokumento ng ahensya.

Ayon kay Ginang Japinan, mayroon na kasing bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ang ibinaba sa kanila na dapat ay sundin at maipatupad ng STL.


Kaugnay nito, sinimulan na ang kanilang inspeksyon sa mga stations kung pasok o sumusunod ba ang mga ito sa guidelines at protocols ng IATF at para mabigyan din sila ng Certificate of Compliance.

Nilinaw naman ni Japinan na hindi papalitan ang mga dating nagtatrabaho sa kanilang mga outlets subalit kung sila ay nasa edad 60 pataas ay hindi muna nila ito papayagang magtrabaho bilang pagsunod na rin sa kautusan ng IATF.

Sakaling maplantsa na ang mga hinihinging requirements ay magpaalabas na ang nasabing ahensya ng draw procedures para sa balik-operasyon ng STL.

Facebook Comments