Pagbubukas ng Tuguegarao Airport, Target sa Unang Linggo ng Marso

Cauayan City, Isabela- Pinaplano ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na buksan ang commercial flights ng Tuguegarao City Airport sa March 5, 2021.

Batay an rin ito sa inilabas na pahayag ng ahensya kasabay ng pagbababa ng mga alituntunin na susundin ng mga pasaherong bibiyahe papasok at palabas ng rehiyon.

Ayon kay Mary Sulyn Sagorsor, Area Manager ng CAAP Tuguegarao, nagkaroon na umano sila ng pagpupulong kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao, DOH, PNP at iba pang mga stakeholders ukol sa protocols ng nasabing paliparan.


Kinakailangan munang magsumite ng mga kaukulang dokumento ang mga pasaherong kukuha ng ticket at boarding pass bago pa man sila mabigyan.

Ang mga pasaherong lalabas ng lungsod ay kinakailangan pa ring mag-presinta ng Barangay Certificate, Travel Authority at Certificate of Acceptance sa pupuntahang lugar.

Samantala, ang mga uuwing residente naman ng lungsod ng Tuguegarao ay hihingan ng Affidavit of Undertaking na magpapatunay na sila ay susunod sa 14-day mandatory quarantine.

Pagkatapos nito ay susunduin sila ng LGU at sasailalim sa swab test at kung lumabas na negatibo ang resulta ay papayagan nang umuwi ang pasahero para sumailalim sa home quarantine.

Dagdag ni Sagorsor, maaaring pumili ng quarantine facility ang isang pasaherong uuwi sa lungsod at kung nanaisin nitong dumeretso sa isang accredited hotel quarantine facility ay sasagutin niya ang anumang gastusin sa loob ng ilang araw.

Para sa non-resident, kinakailangang mag-book ang mga ito ng sasakyang susundo sa kanila mula sa airport at sasamahan naman sila ng PNP hanggang sa boundary ng uuwiang bayan o probinsya.

Sa ngayon, pansamantalang bubuksan ang flights sa Tuguegarao Airport sa araw lamang ng Lunes at Martes.

Facebook Comments