Pinabubuhay ni Kabayan Rep. Ron Salo ang industriya ng pag-aasin sa bansa.
Sa House Bill 1976 na inihain ng kongresista ay isinusulong ang muling pagpapasigla sa ‘local salt industry’ na may layuning maiwasan ang pagiging dependent ng bansa sa imported na asin.
Pinakasentro ng panukalang batas ang paglalatag ng komprehensibong plano para sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng asin at pagkakaloob ng insentibo sa mga ‘salt famers’ at ‘exporters’.
Inaatasan ng panukala ang pamahalaan na magbigay ng teknikal, pisikal at pinansyal na tulong sa mga salt farmers kasama rito ang mga ‘artisanal salt farmers’ upang mapaghusay ang kanilang kakayahan.
Binibigyang mandato rin ang pamahalaan na mamuhunan sa pagtukoy at pagtatayo ng salt farms na maaaring ipa-upa sa mga salt farmers, ito man ay indibidwal, asosasyon, kooperatiba o korporasyon.
Isinusulong din sa panukala ang ‘indigenous salt-making technology’, pagbibigay proteksyon at pagpapataas ng kita sa mga mag-aasin, at pagkamit ng pagiging ‘salt self-sufficiency’ at pagiging exporter ng asin ng bansa.