Pagbuhay sa banana industry, isinulong sa Kamara

Iginiit ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang pagpapalakas sa banana industry sa gitna ng patuloy na pagbaba ng produksyon ng banana plantations sa bansa.

Mungkahi ito ni Lee sa harap ng nakakabahala at nakakadismaya na napakalaking pagbagsak sa produksyon ng saging at demand sa abroad dahil COVID-19 at pagkalat ng Panama disease.

Diin ni Lee, malaki ang ambag ng industriya ng saging sa ating ekonomiya at dito rin nagmumula ang kita ng malaking populasyon ng mga Pilipinong magsasaka.


Tinukoy rin ni Lee na ang Pilipinas ang ikalawa sa nangungunang banana exporter sa buong mundo at base sa datos ng Food and Agriculture Organization of the United Nations, 90% ng Asian banana exports ay mula sa Pilipinas pero nakalulungkot na bumaba na ito ngayon sa 60%.

Bilang solusyon ay inihain ni Lee ang House Bill No. 6300, o panukalang Banana Research and Export Act of 2022 na layuning bumuo ng Banana Research Export Promotion Council.

Ayon kay Lee, pangunahing mandato ng council ang pagbuo ng ten-year framework na magiging gabay sa paglalatag at pagpapatupad ng mga plano, programa, at proyekto para sa production, processing at marketing sa buong mundo ng ating mga saging.

Magiging katuwang ng BREPC ang Department of Agriculture, Department of Science and Technology, State Universities and Colleges, banana growers’ and processors’ cooperatives and organizations, Local Government Units, at pribadong sektor.

Facebook Comments