Pagbuhay sa Project NOAH, iginiit ni Sen. Pangilinan

Inirekomenda ni Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan ang muling pagbuhay sa Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards na nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) pero tinanggalan ng pondo noong 2017.

Giit ni Pangilinan, mahalaga ang inisyatibong ito para sa paglalatag ng komprehensibong disaster prevention and mitigation program.

Bago ipasuspinde ang Project NOAH ay kasama sa mga proyekto nito ang landslide sensors, storm surge inundation mapping project, flood network, at hydrometeorological sensors development.


Diin ni Pangilinan, nakalatag na ang mga pag-aaral ng Project NOAH at pwedeng rebisahin ng DOST para makatulong sa paghahanda ng gobyerno tuwing may paparating na mga bagyo at iba pang kalamidad.

Samantala, si Pangilinan naman ay bumili ng 865 sako ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) na kanyang ipinamahagi sa mga biktima ng kalamidad sa Albay, Camarines Sur, Isabela, Rizal, Marikina, Marinduque, Camarines Norte, Catanduanes, Quirino at Aurora.

Facebook Comments