Manila, Philippines – Naniniwala ang Department of National Defense (DND) na malaki ang maitutulong ng mga kabataan para mapanatiling buhay ang kabayanihan ng ating mga ninuno.
Sinabi ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, kaugnay sa pagdiriwang at pagsaludo ng mga Pilipino sa Pambansang Araw ng mga Bayani sa taong ito.
Aniya, pananagutan ng lahat na itanim sa puso at isipan ng mga kabataan ang pagmamahal sa bayan katulad ng mga naging ambag ng mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay para sa bansa.
Isa aniya sa magandang paraan para mabuhay ang diwa ng pagmamahal sa bayan sa mga kabataang Pilipino ay ang Reserve Officer’s Training Corps (ROTC) program dahil itinuturo rito ang disiplina maging ang paggalang sa mga nakatataas at paglilingkod sa bayan.
Isa rin sa mga pinakamagandang parangal na maibibigay ng mga Pilipino sa mga bayani ay ang hindi paglimot sa kanilang mga naging ambag para sa bayan.