Patuloy na hinihiling ni Senator Risa Hontiveros ang pagbuo ng Pilipinas ng alyansa sa ibang mga bansa laban sa China.
Kasunod na rin ito ng insidente ng muntik na banggaan ng Chinese coast guard ship at ng Philippine patrol vessel na may lulang ilang mamamahayag sa bahagi ng West Philippine Sea.
Iginiit ni Hontiveros na nararapat lamang na matapang na bumuo ng malawak na alyansa o mga kakampi ang bansa para labanan ang mga agresibong aksyon ng China sa ating teritoryo.
Ang koalisyon ay bubuuhin ng mga bansang itinataguyod ang tagumpay ng Pilipinas sa The Hague Arbitration Court at mga bansang nagnanais na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon ng bansa.
Hinimok din ni Hontiveros ang Malakanyang na kondenahin sa pinakamalakas na paraan ang ginagawang pambu-bully ng China sa Pilipinas.
Hindi na aniya dapat hintayin pa ng gobyerno na may mas masahol pang insidenteng mangyayari bago kumilos at sabihin sa Beijing na itigil na ang ganitong mga agresibong aksyon.
Pinarerepaso rin ng senadora ang pambansang polisiya ukol sa China upang matiyak na may tunay na pagdepensa sa karapatan at kabuhayan ng mga Pilipino.