Pagbuo ng Barangay Fire Brigade, Tinututukan ng BFP Ilagan!

Ilagan City, Isabela- Patuloy ang isinasagawang pagtutok ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagbuo ng barangay Fire Brigade sa Ilagan City bilang bahagi sa pagdiriwang ng Barangay Fire Brigade Month ngayong buwan ng Mayo 2018.

Sa ibinahaging impormasyon ni Fire Senior Inspector Franklin Tabingo ng BFP Ilagan sa programang Unang Radyo Unang Balita, sinabi nito na isa sa konsentrasyon umano ng kanilang tanggapan ay ang pagbuo ng grupong makatutulong sa agarang pag-apula ng sunog at maturuan ng mabilisang pagresponde sa mga biktima.

Dagdag pa rito, magkakaroon din umano ng Fire Olympics na lalahukan ng tatlong distrito na maglalaban-laban na binuo ng Provincial Fire Marshal habang kasama naman ng City of Ilagan ang Northern at Eastern Municipality ng Isabela para sa naturang kumpetisyon.


Ayon pa kay FSI Tabingo, ang naturang kompetisyon kaugnay sa fire brigade month ay ang pagkakaroon ng paligsahan hindi lamang sa pag-aapula ng apoy kundi maging ang tamang paraan ng pagrerescue sa mga biktima ng sunog.

Samantala, ang paligsahan naman na ito ay lalahukan naman umano ng tatlong kategorya gaya ng Barangay Fire Brigade, Uniformed Personnel at mga Industrial Fire Brigade kung saan ang mananalo rito ay makikilaban sa Regional Olympic na gaganapin sa Quirino Province at kung papalarin muli ay aabot naman sa National Olympics na gaganapin na sa susunod na Marso 2019.

Umaasa naman si FSI Tabingo na bukod sa makukuha nila ang tagumpay sa naturang patimpalak ay magkakaroon din sila ng nagkakaisang at maganda samahan kasama ng mga mabubuong Barangay Fire Brigade para sa mas magandang at mabilis na serbisyo.

Facebook Comments