Inihain ni Senator Cynthia Villar ang Bill Senate No. 1914 na panukalang nagtatakda ng pagbuo ng Boracay Island Development Authority (BIDA).
Ayon kay Villar, layunin ng panukala na mapanatili ang rehabilitasyong ginawa sa Boracay ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mahinang pagpapatupad ng environmental laws at ang pagbalewala ng tao sa mga batas na ito.
Ang panukala ni Villar ay tugon sa rekomendasyon ng Boracay Inter-Agency Task Force (IATF) na pagbuo ng BIDA sa ilalim ng Office of the President para sa long-term sustainability at rehabilitation sa isla.
May liham din kay Villar si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na humihiling ng sponsor sa draft bill na ginawa ng task force kaugnay sa pagbuo ng BIDA.
Bubuuin ang BIDA ng mga kinatawan mula sa DENR, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Justice (DOJ), Aklan Governor, Malay Mayor, lahat ng ex-officio members, general manager na itatalaga ng presidente at 2 rin mula sa private sector.