Pagbuo ng Buntis Patrol Group sa Bawat Barangay sa Cauayan City, Pinapalawig ng City Nutrition Office!

Cauayan City, Isabela – Pinapalawig ngayon ng City Nutrition Office ang pagbuo ng Buntis Patrol Group sa bawat barangay sa lungsod ng Cauayan upang mabigyan ng mas magandang serbisyo at kaalaman ang mga nagbubuntis.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay City Nutrition Officer Marygrace Yadao na ang pagbuo ng buntis patrol group ay kaugnay sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong buwan ng Hulyo.

Layunin umano ng buntis patrol group na ituro ang tama, malusog at ligtas na pamamaraan sa pagbubuntis hanggang sa panganganak upang masiguro ang kaligtasan ng ina maging ang sanggol.


Sinabi pa ni Yadao na dapat nasa dalawampu’t lima ang miyembro ng buntis patrol group sa lahat ng barangay upang katuwang nila sa pagtuturo at pagbabantay sa mga nagbubuntis sa lungsod ng Cauayan.

Aniya maaring bahagi ng grupo ang mga caregivers, purok leaders, lactating mothers at iba pa na nais matuto sa tamang pagresponde at pagtuturo ng tamang pagbubuntis.

Kaalinsabay din umano na isulong ang breast feeding dahil ito ang painakamainam na sustansya at ligtas na pagkain para sa mga sanggol o bata upang makaiwas sa malnutrisyon.

Samantala nilinaw din ni Yadao na walang katotohanan ang umano’y bawal na pagpapasuso ng ina kapag siya ay pagod o may sakit.

Facebook Comments