Dapat na magtatag ang pamahalaan ng isang dibisyon na tututok sa security system ng kada ahensya ng gobyerno.
Ito ang iminungkahi ng IT expert na si Jerry Liao kasunod ng alegasyong data hacking incident sa COMELEC.
Ayon kay Liao, bubuuin ang dibisyon ng mga technical expert na siyang titiyak kung gaano katibay ang pundasyon ng sistema ng mga government agency.
“Kailangan maglagay tayo ng alintuntunin, security standard, ano dapat ang nakalagay d’yan, anong seguridad dapat na nakalagay d’yan… kailangan itong division na ‘to, ito ang gagawa ng mga ‘to at kailangan lahat ng ahensya ng gobyerno sumunod,” saad ni Liao.
“So, they can come up with guidelines and they have experts who will try and check and hack, kumbaga sa ano e, itong ahensyang ito ang siya mismong magha-hack dun sa ahensya, tingnan natin kung mapapasok yan o hindi,” aniya pa.
“Kung napasok e ibig sabihin kailangan ayusin niyo ‘yan. Hindi lang yan, this should be done constantly,” dagdag pa niya.