Umapela si Isabela 6th District Rep. Faustino Inno Dy sa liderato ng Kamara na iprayoridad ang pagtalakay sa dalawang panukalang batas na makakatulong na maibsan ang epekto ng mga kalamidad sa hinaharap.
Unang tinukoy ni Dy ang inihain niyang panukalang pagbuo ng Sierra Madre Conservation and Development Authority (SMCDA) na siyang maglalatag at magpapatupad ng mga hakbang para proteksyunan ang 540-kilometrong kabundukan na Sierra Madre.
Giit ni Dy, kailangan ingatan ang Sierra Madre dahil napakalaki ng papel nito para protektahan ang maraming lalawigan sa Luzon laban sa pananalasa ng mga bagyo kung saan halos 50 buhay ng mga Pilipino ang maisasalba nito.
Kasama din sa hiling ni Dy na iprayoridad ang panukalang pagbuo ng Cagayan River Basin Development Authority (CRBDA) na siyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng rehabilitasyon, development, at proteksyon sa daluyan ng tubig na bumubuo sa Cagayan River Basin.
Ang 520-kilometrong Cagayan River Basin ay sumasaklaw sa 12 lalawigan na binubuo ng 122 siyudad at munisipalidad at ito rin ang nagsusuplay sa 23 sub-watersheds.