Pinakikilos ng apat na Bicolano lawmakes ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Technical Education and Skills Development Authority o TESDA at Department of Health (DOH) para bumuo ng isang Inter-Agency Task Force on Student Suicides.
Pangunahing trabaho ng task force na magsagawa ng monitoring, magpatupad ng mga programa at maglatag ng mga hakbang na tutugon sa tumataas na bilang ng mga kabataan lalo na ang mga estudyante na nagpapakamatay.
Ang naturang mungkahi ay nakapaloob sa House Bill 2895 o panukalang “Suicide Prevention Act,” na inihain nina Bicol Saro Party-list Rep Nicolas Enciso VIII at Camarines Sur Representatives Miguel Luis Villafuerte, Tsuyoshi Anthony Horibata ay LRay Villafuerte.
Tinukoy sa panukala ang report ng University of the Philippines Population Institute kaugnay sa 2021 Young Adult Fertility and Sexuality Study na nagpapakitang mula 2013 hanggang 2021 ay na-doble ang bilang ng mga edad 15 hanggang 25 na nais nang tapusin ang kanilang buhay.
Diin ni Villafuerte, nakakabahala ang suicide lalo na sa mga kabataan at isa itong seryosong problema na dapat hanapan agad ng solusyon at mapigilan.